Environment Matters

 

Bakasyon

(Matapos ang matagal na pagka – tigang ng blog ko na ito sa bagong post. Narito ang isang bagong post na para sa blog na ito. Nakaligtaan ko lamang ito sa sobrang dami ng nangyari sa aking buhay. Pero dahil bakasyon na naalala ko ang blog na ito. At narito na ang una kong post para sa taong ito para sa blog na ito. Salamat. – Dennio.)

Masaya ako kapag bakasyon na. Noong mga nakakaraang taon, tuwing bakasyon araw – araw kaming nagbi-bisikleta ng aking pinsan. Umiikot kami sa mga bukid at kahit pa sa highway. At ang pinakamalayo na marahil na naabot namin ay magmula dito sa Barangay Sta. Ines Bulakan, Bulacan patungo sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, Bulacan. At hindi biro iyon dahil sa tinakbuhan namin ang maraming tao dahil nakita nila kami sa highway na nagbibisikleta; kasabay ng mga humaharurot na sasakyan.

Nakahiligan ko ang pagbibisikleta dahil nakakapglibot ako sa maraming lugar. Kadalasan, sa may mga bukid kami nagpupunta. Maaga pa lang aalis na kami sa bahay para pagdating sa bukid oras na ng pagsikat ng araw. Masarapa ang simoy ng hangin. Very relaxing. Nakakadagdag ng lakas. Higit sa lahat nakakabighani ang ganda ng kalikasan.

Matapos ang aming pagbibisikleta, kadalasan ako ay umuupo sa may terrace ng aming bahay at pagmamasdan ang kalangitan. Napakaganda ng kaniyang kulay. Bughaw na bughaw ang langit at napaka – puti ng mga ulap. Malakas ang simoy ng hangin. Ang sarap sa pakiramdam.

May mga pagkakataon din na kami ay pupunta sa palaisdaan upang mamansing. Nakakatuwa ang makakahuli ka ng isda (tilapia kadalasan…) tapos ay malaki pa at sunud – sunod ka pa na makakahuli. Nakakatuwa. Nakakapagpahinga ng kaisipan.

Pero kailan lang, hindi na kami masyadong nakakapagbisikleta ng aking pinsan. Masyado na kaming abala sa ibang mga bagay. Marahil, kaya ako nagkasakit dahil sa matagal na akong hindi nakalanghap ng sariwang hangin. Iyung walang usok. Hindi na ako nakakita ng mga puno o nakapunta sa bukid. Nakakamiss.

Pero, naisip ko rin. Bakit ba kailangan pa na kami ay magbisikleta ng malayo upang makakita ng bukid? Bakit kailangan ko pang umakyat sa itaas ng aming bahay para makakita ng kalangitan? Bakit kailangan pa namin na pumunta sa isang palaisdaan para makapamansing? Kasi, sira na ang kalikasan.

Ang puno ngayon ay salot sa struktura ng bahay. Ang mga ugat nito ay nakakasira daw ng pundasyon kaya kailangang putulin ito. Hindi ba puwede na ang bahay ang ilagay sa ibang lugar para mapanatili naman ang puno sa kanyang lugar? Nagdadala rin daw ito ng maraming lamok, kaya para walang lamok. Putulin ang puno.

Pero bakit ba may lamok? Kasi madumi na ang mga ilog, doon sila nangingitlog at lumilipad na lang sa mga puno. Ang mga bahay sa gilid ng mga ilog, ang kanilang poso negro ay nakatutok sa ilog. Doon lahat dumadaloy ang mga dumi na nagmumula sa kanilang bahay. Ginawa na ring tapunan ng basura kasi wala nang mapaglagyan. Tapos, magrereklamo sila na mabaho ang ilog at binabaha sila. Eh sino ba ang may gawa? Sila din.

Kaya ano ang resulta. Patay na ang mga isda. Patay na ang ilog. Kaya kailangan pa na doon tayo sa palaisdaan na mamansing at manghuli ng isda. Namatay ang ilog. Napilitan ang mga isdang makulong sa isang ginawang lugar para sila ay mabuhay. Bakit hindi na lang natin buhayin ang mga ilog?

Mahirap na makakita ngayon ng bughaw na kalangitan lalo na kung ikaw ay nasa Maynila. Kung hindi namamaga ang langit ay sobra namang itim dahil sa usok. Hindi mo lubos maisip kung paano mo matitiis na mabuhay ng matagal sa Maynila kung saan hindi na nakabubuhay ang hangin na nilalanghap mo. Unti-unti ka nitong pinapatay. Paano kaya kung ganito ang gawin natin lalo na iyung mga may sasakyan na smoke belcher. Kapag nahuli sila, pababain ang drayber, tapos itapat niya ang mukha niya sa tambutso at apakan ng pulis ang accelerator. Tingnan natin kung hindi pa makonsensya ang nasabing drayber.

Pati na rin ang mga may – ari ng pabrika na nagbubuga ng usok. Ipasok natin ang mga may – ari nito sa loob ng mga chimineya nila at bugahan sila ng usok. Tingan natin kung hindi pa siya makonsensiya. Mahirap ba kasi intindihin iyun? Kita mo nang maitim ang usok, tapos wala ka man lang ginagawa? Common sense na lang.

Pero lahat tayo ay ganyan. Alam na nating nakakasira ginagawa pa rin natin. Dapat siguro ilublob tayong lahat sa Ilog Pasig para makonsensya tayo na ayan ang dami nating itinapon na mga dumi dito at lasapin natin ang kababuyang ginawa natin. Tapos, ipasok tayo sa gas chamber at bugahan tayo ng usok na galling sa mga bus na smoke belcher sa EDSA. Tingnan natin kung kinabukasan lahat ng mga nagtatapon ng basura sa ilog ay namura natin at ang mga smoke belcher ay baka mapatay natin sa sobrang galit.

Kailangan ba na ganoon pa ang gawin natin?

Malamang sa mga susunod ko pang bakasyon, palayo ng palayo ang bukid na pupuntahan namin.

Huwag tayong maging makasarili. Isipin naman natin ang iba na hindi na makikita ang mga puno, ilog at langit na nakita natin o ninyo.

Please lang ha. Maawa naman tayo sa ating mga sarili.

Labels: , ,

« Home | Next »
| Next »
| Next »
| Next »

» Post a Comment
 
   





© 2006 Environment Matters | Blogger Templates by Gecko & Fly.
No part of the content or the blog may be reproduced without prior written permission.
Learn how to Make Money Online at GeckoandFly